2 Metro Manila mayors at 100 barangay captains, kakasuhan ng DILG

by Jeck Deocampo | January 15, 2019 (Tuesday) | 25368

METRO MANILA, Philippines –  Sasampahan ng Department of Interior and Local Government (DILG) ang dalawang Metro Manila mayor at isang daang barangay chairman ng kaso sa mga susunod na araw.

Ayon kay DILG Undersecretary Martin Diño, ito ay dahil sa kapabayaan ng mga ito sa kanilang mga nasasakupan.

Sa pinakahuling datos ng Department of Environment and Natural Resources (DENR), isa sa 11 ilog na naka-konekta sa Manila Bay ay kinakitaan ng 1.9 billion fecal and coliform count. Malayong-malayo ito sa 270 most probable number (MPN) na target na maabot ng kagawaran sa December 2019.

Ayon sa DENR, ito ay galing sa mahigit dalawang daang libong mga informal settler kasama ang ilang mga establisyemento na direktang nagtatapon ng mga basura sa Manila Bay.

Babala ng DILG sa mga lokal na opisyal na nagbabalewala sa Solid Waste Management Act. “Ngayon ang gagawin namin sa kanila kung hindi pa rin sila mag-comply this time we will file cases against them,” ani Undersecretary Diño.

Sa pagdinig ng House Committee on Metro Manila Development kahapon, sinisi naman ni Buhay Party List Representative Lito Atienza ang Manila Water at Maynilad kung bakit dumumi nang husto ang Manila Bay.

Aniya hanggang ngayon ay hindi pa naitatayo ng mga nabanggit na mga concessionaire ang treatment plant na ilang taon nang sinisingil sa mga consumer. Dagdag pa ni Atienza, dapat panagutin sa batas ang mga ito dahil 20% umano ang binabayad ng mga consumer sa Maynilad at Manila Water ay para sa pagtatayo ng nasabing water treatment facilities.

Nais din imbestigahan ni DILG Undersecretary Diño ang hinggil sa isyung ito.

(Grace Casin | UNTV News)

Tags: , , , , , ,