2 mambabatas nais umanong i-endorso ang bagong impeachment complaint na ihahain vs CJ Sereno

by Radyo La Verdad | August 7, 2017 (Monday) | 1930

54 na pahina na may higit 250 pahinang attachments at 27 ang articles for impeachment.

Ito ang bumubuo sa impeachment complaint na planong ihain ng abugado at dating senatorial candidate na si Atty. Larry Gadon laban sa Supreme Court Chief Justice Maria Lourdes Sereno.

Ngunit di tulad ng unang inihaing impeachment complaint sa punong mahistrado, may dalawang mambabatas na umanong nagpahayag ng interes na iendorso ito.

Bukod dito, inisa-isa rin nito ang ilang mga opisyal ng Judicial and Bar Council at mga tauhan sa ilalim ng opisina ni CJ Sereno na posible aniyang ipatawag o i-subpoena ng Kongreso sakaling umusad ang kaniyang reklamo.

Isa rin sa inirereklamo ni Gadon ang umano’y pagbili ng luxury car ni Chief Justice Sereno na nagkakahalaga ng 5.1 million pesos bukod pa sa milyong gastos din sa pagpapa-bullet proof umano nito.

Una nang naghain ng impeachment complaint laban sa chief justice ang Volunteers Against Crime and Corruption o VACC.

Ngunit, wala itong endorsement ng sinumang mambabatas.

(Asher Cadapan Jr. / UNTV Correspondent)

Tags: , ,