2 magkahiway na insidente sa Cagayan de Oro, nirespondehan ng UNTV News and Rescue Team

by Radyo La Verdad | August 21, 2018 (Tuesday) | 5610

Apat na sugatang barangay tanod ang nadatnan ng UNTV News and Rescue Team sa Macabalan Police Station kagabi matapos batuhin ng isang grupo ng mga kabataan.

Pagdurugo sa tenga, sugat sa paa at pananakit sa dibdib ang tinamo ng mga biktima na sina Eugenio Mangubat, Apolonio Langga, Rolando Patindo at Jover Bangkuran na agad namang nilapatan ng paunang lunas ng UNTV Rescue.

Ayon sa mga biktima, rumoronda sila at nakita ang grupo ng mga kabataan na nag-iinuman. Nang kanilang sitahin ay bigla na lamang silang pinagbabato ng mga ito.

Nahuli naman ang isang suspek at binigyan rin ng first aid ng grupo ang mga tinamong sugat nito.

Samantala, ilang minuto lang ang nakalipas ay nadatnan ng UNTV Rescue ang isang motorcycle rider na nakahiga pa sa kalsada at walang malay.

Agad na nilapatan ng first aid ang tinamong sugat sa ulo ng biktima na kinilalang si alyas Hammer at dinala sa Northern Mindanao Medical Center. Ang Oro Rescue naman ang nagdala sa anak nito sa ospital.

Ayon sa nakasaksi, mabilis ang takbo ng motor at bigla na lamang itong natumba.

Patuloy pang iniimbestigahan ng mga otoridad ang insidente.

 

( Bernard Dadis / UNTV Correspondent )

Tags: , ,