2 lalaki patay sa shooting incident sa Payatas Q.C

by Radyo La Verdad | June 23, 2016 (Thursday) | 1533

patay-002
Patay ang dalawang lalaki matapos pagbabarilin ng isang hindi nakilalang suspek sa barangay Payatas sa Quezon City bandang alas dos y medya kaninang madaling araw.

Ayon sa inisyal na imbestigasyon ng Criminal Investigation Detection Unit (CIDU) nag-iinuman ang mga biktima sa isang lamay sa covered court ng Visayas St. Phase 4 Payatas B nang may biglang pumasok na lalaking nakamotor at agad pinagbabaril ang biktima.

Nakatakbo pa sa loob ng eskinita ang biktimang si Richard Elcarte, 36 anyos ngunit sinundan pa rin ito ng gunman.

Nadamay naman si Saver Pinlac, 26 anyos na dayo lang sa lugar na naisugod pa sa ospital ngunit idineklarang dead on arrival.

Tinamaan ang mga biktima sa ibat ibang bahagi ng katawan at narekober sa crime scene ang anim na basyo ng kalibre 45 na baril.

Kahit maraming tao at maliwanag sa lugar tikom pa rin ang mga bibig ng residente doon at natatakot magsalita.

Tila nawalan na rin ng pagasa ang mga kaanak ng biktima na mareresolba pa ang kaso dahil walang gustong tumestigo.

(Reynante Ponte/UNTV Radio)

Tags: ,