2 illegal recruiter, arestado sa entrapment operation ng CIDG sa Imus, Cavite

by Radyo La Verdad | September 27, 2018 (Thursday) | 8813

Hawak na ngayon ng Criminal Investigation and Detection Group Anti-Transnational Crime Unit (CIDG-ATCU) sina Lenie Rose Limos at Maria Corazon Villanueva matapos ireklamo ng ilang OFW ng panloloko.

Ayon kay CIDG-ATCU Chief PSupt. Roque Merdegia Jr., 70-100 libong pisong sweldo bilang farm worker sa Japan ang ipinangangako ng dalawang suspek sa kanilang mga biktima.

Hinihingan naman ng mga ito ng 50-70 libong piso ang mga narerecruit para umano sa pagproseso ng kanilang mga dokumento.

Pangako ng dalawa sa kanilang mga biktima, mabilis silang makakaalis papuntang Japan, subalit hindi ito nangyari.

Sinabi pa ni Merdegia, bukod sa 50-70 libo na hiningi ng mga ito sa bawat biktima ay naniningil pa ito ng karagdagang bayad para sa pre-departure orientation seminar at visa.

Matapos matanggap ang reklamo ay nagsagawa ng entrapment operation ang mga pulis at naaresto ang mga suspek sa Imus, Cavite kahapon. Ang mga suspek ay mahaharap sa kasong illegal recruitment at estafa.

Naaresto na noong nakaraang taon ng NBI ang dalawa dahil sa kaparehong kaso ngunit iniurong ng mga biktima ang reklamo matapos silang bayaran ng mga suspek.

 

( Lea Ylagan / UNTV Correspondent )

Tags: , ,