2 claimant ng package na naglalaman ng P600K na halaga ng kush, arestado

by Erika Endraca | January 11, 2021 (Monday) | 25711

Arestado ang dalawang claimants ng parcel matapos makitaang naglalaman pala ito ng ipinagbabawal na marijuana na may halagang Php 600,000 sa isang joint operation ng Bureau of Customs NAIA, Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA), at NAIA Inter-Agency Drug Interdiction Task Group (NAIA-IADITG) noong January 9, 2021 sa Batangas.

Ayon sa mga awtoridad, kinilala ang 2 suspek na sina “Van Joshua Magpantay” at “Johnyengle Hernandez” na kapwa nahuli sa isang vape shop sa Lipa City, Batangas sa matagumpay na intelligence operation ng mga nasabing ahensya.

Ayon sa BOC, idineklara ang parcel bilang mga “musical instruments” na galing sa isang nagngangalang “Nina Manual” mula California, USA at consigned ng isang “Dimitria Escalona” na taga Batangas.

Nang idaan na ito sa x-ray scanning at physical examination ng mga tauhan ng BOC at PDEA, dito na nakita ang nakapaloob ditong dalawang vacuum-sealed na transparent plastic na naglalaman ng 500 grams ng tuyong dahon na isa palang high-grade marijuana o mas kilala bilang kush.

Nasa pangangalaga na ng PDEA ang dalawang suspek at sasampahan ng mga kasong paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 at Section 1401 of the Customs Modernization and Tariff Act.

(Syrix Remanes | La Verdad Correspondent)

Tags: , ,