2 Chinese national at 1 Pinay huli sa drug buy bust sa Makati; limang kilo ng ilegal na droga nakumpiska

by Radyo La Verdad | March 10, 2016 (Thursday) | 1427

DRUG-RAID
Makalipas ang isang buwang surveillance ng Regional Anti Illegal Drugs Special Operation Task Group, naaresto na ang dalawang Chinese national kasama ang isang Filipina na itinuturing na high value target at drug personality sa Metro Manila.

Kinilala ang mga suspek na sina Henry Lam, He Kaibei at kanyang live-in partner na si Annaliza Villegas.

Ayon kay National Capital Region Police Office Director General Joel Pagdilao, pumayag ang mga suspek na ibenta ang kada kilo ng shabu sa halagang dalawang milyon, kaya upang mas kumagat sa patibong ang mga suspek limang kilo ang napagkasunduang bibilhin ng police asset sa halagang sampung milyong piso.

Subalit pagdating sa parking area sa isang fast food chain sa Magallanes sa Makati, dito na inaresto ang mga suspek.

Narecover sa mga suspek ang limang kilo ng shabu na nakalagay sa isang pakete na may Chinese markings.

Tumanggi nang magbigay ng pahayag ang mga suspek kaugnay sa kinasasangkutang krimen.

Inaalam ngayon ng otoridad kung posibleng may grupong kinabibilangan ang mga suspek dahil buong Metro Manila ang lawak ng kanilang operasyon sa droga.

Maging ang posibilidad na mayroong pagawaan ng illegal na droga sa National Capital Region ay hindi isinasantabi base na rin sa dami ng shabu na nakumpiska sa mga suspek.

Hinala din ni General Pagdilao, posibleng maraming stock na ilegal na droga ang mga suspek dahil sa baba ng presyo ng shabu.

Ito na ang ikatlo na malaking bulto ng ilegal na droga ang nasabat ng mga otoridad ngayong taon sa Southern Police District.

(Benedict Galazan/UNTV NEWS)

Tags: