Pudpod na ang gulong at may basag ang wind shield, ito ang natuklasan nang mag-inspeksyon ang Highway Patrol Group sa dalawang bus ng Dimple Star na biyaheng Iloilo kaninang umaga, kaya naman hindi muna sila pinabiyahe ng LTFRB.
Inikot ng LTFRB ang mga bus terminal sa Cubao area upang tiyaking nasa kundisyon ang mga bus at mismong mga driver nito bago bumiyahe. Bukod sa nakitang ilang paglabag, sinita rin ng LTFRB ang mga dispacher at kundoktor ng ilang bus.
Nanawagan din si LTFRB Board Member Atty. Aileen Lizada sa mga bus operator na dapat ay bigyan ng makakain ang mga pasaherong maaapektuhan ng delay ng mga bus. Sa ngayon, wala pang violation na maaaring ipataw sa mga ito. Pero ayon kay Lizada, irerekomenda niya ito sa LTFRB board na patawan ng kaukulang parusa.
Sa ngayon ay marami pang mabibiling ticket para sa mga ordinaryong bus, subalit fully booked na ang mga air-conditioned bus. Tiniyak naman ng LTFRB na hindi kukulangin ang 947 na mga bus na binigyan nila ng special permit para sa mga bibiyahe ngayong long holiday.
Sakaling kukulangin, handa naman ang LTFRB na magbigay ng karagdagan.
( Grace Casin / UNTV Correspondent )
Tags: bus, hindi pinabiyahe, LFTRB