Natuklasan ng isang grupo ng Pilipinong siyentipiko ang 2 bagong species ng Weevil Beatles sa kagubatan ng Misamis Occidental at Misamis Oriental na inilathala sa siyentipikong journal na Acta Biologica Universitatis Daugavpiliensis, Volume 22, No. 1 ngayong buwan ng Disyembre.
Natagpuan ng mga mananaliksik sa Mindanao ang Metapocyrtus malindangensis sa Mount Malindang, Misamis Occidental, samantalang natuklasan ang Metapocyrtus baulorum sa Gingoog City, Misamis Oriental na parehong nasa ilalim ng subgenus na Dolichocephalocyrtus at itinuturing na “novum” o bago sa agham.
Ang grupo ng mananaliksik ay binubuo nila Rodrin Rivera, Analyn Anzano Cabras, Efrhain Loidge Pajota, at Milton Norman Medina.
Pahayag ni Rivera na ang Mt. Malindang ay “highly forested” na nagpahiwatig na maaaring magkaroon ng mga bagong species ng Weevils sa lugar.
Bago magsagawa ng sampling, kumuha muna ang mga mananaliksik ng permiso sa iba’t ibang ahensya ng gobyerno tulad ng Department of Environment and Natural Resources (DENR), Local Government Unit (LGU), at National Commission on Indigenous Peoples para sa pahintulot na tumagal ng 5 buwan.
Umabot naman sa 2 buwan ang pagproseso ng mga impormasyon mula sa pagkilala at pagpapatunay ng mga species.
Ayon sa journal, ang subgenus na Dolichocephalocyrtus ay may 24 species at 1 subspecies sa Pilipinas; 6 sa Luzon, 5 sa Visayas, 12 at 1 subspecies sa Mindanao, at 1 species na walang tiyak na lokalidad at may label lamang na “Pilipinas”.
(Andrei Canales | La Verdad Correspondent)