2 bagong Motorcycle Taxis na kakumpitensya ng Angkas, aarangkada na

by Erika Endraca | December 23, 2019 (Monday) | 7161

METRO MANILA – Pinalawig pa ng pamahalaan sa 3 buwan ang isinasagawang pilot test run para sa motorcycle ride hailing service na Angkas.

Bukod sa angkas, 2 pang bagong kumpanya ng motorcycle taxis ang pinayagan na rin ng binuong technical working group ng Department Of Transportation (DOTr), na makakasama rin sa pilot test run.

Kabilang sa mga bagong motorcycle taxis ang Joyride PH at ang Move It.

Sa pahayag na inilabas ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) na siyang nangunguna sa mga ahensya sumusuri sa operasyon ng motorcycle taxis..

Minabuti nilang palawigin pa ang pilot test run upang magkaroon ng mas mahaba pang panahon upang mapagaralan kung papayagan ang lehitimong operasyon ng mga ito bilang pampublikong transportasyon.

Magsisimula ang test run para sa 3 motorcycle taxis Ngayong araw (Dec. 23) at tatagal hanggang March 23.

Kaugnay nito, nagsagawa ng unity ride Kahapon (Dec. 22) ang libo-libong Angkas riders, upang kondenahin ang umano’y paglilimita ng LTFRB sa bilang ng mga motorcycle taxis na papayagang makapasada sa mga kalsada.

Sinasabing nasa 39,000 na motorcycle taxis na lamang sa kabuoan ang papayagan ng pamahalaan na makapag-operate.

Lumalabas na kada kumpanya ng motorcyle taxis ay lilimitahan lamang na tig-13,000  riders. Tig-10,000 sa Metro Manila, habang tig-3,000 naman sa Cebu.

Ito’y dahil tatamaan nito ang halos 17,000 rider na sinasabing mawawalan ng trabaho sa bagong polisiya.

Sa isang panibagong statement, pinabulaanan ng LTFRB ang pahayag ng Angkas, ngunit hindi na nilinaw ng ahensya ang ukol sa umano’y paglalagay cap sa mga motorcycle taxis.

Sa ngayon ay wala pa ring naipapasang batas ang Kongreso, kaugnay sa pagsasaligal ng operasyon ng mga motorycle taxis sa bansa.

Sa ilalim ng umiiral na batas, ipinagbabawal ang paggamit ng mga sasakyang may 2  gulong gaya ng motorsiklo bilang pampublikong sasakyan.

(Joan Nano | UNTV News)

Tags: ,