Nahulog sa creek ng G. Araneta Avenue sa Quezon City ang isang dolly trailer matapos itong humiwalay sa trailer truck pasado alas onse kagabi.
Dalawa ang nasugatan sa aksidente ang dolly trailer operator na si Kenji Anoc at isang babae na si Rina Olarte na isinugod sa hospital.
Ayon sa nakakita sa pangyayari naglalaba umano ang babae malapit sa creek nang bigla na lang rumagasa pababa ang trailer sa concrete barrier at nahulog sa creek.
Nasugatan ang babae sa braso matapos itong matalsikan ng semento mula sa barrier.
Ayon naman sa driver ng trailer truck na si Gele Tupaz, papaliko na sila sa kurbadang daan ng G.Araneta Avenue nang naramdaman niya na humiwalay ang dolly sa truck.
Mabagal naman umano ang takbo nila dahil karga nila ang 33 toneladang pilote (poste na semento) na ginagamit bilang pundasyon ng isang building na idedeliver sana sa Macapagal Boulevard.
Naputol din ang ilang pilote matapos itong bumagsak sa kalsada na umukupa sa dalawang lane kaya nagdulot ito ng trapiko sa lugar.
Sa ngayon iniimbestigahan pa ng mga otoridad kung mechanical o human error ang insidente.
(Reynante Ponte / UNTV Radio Reporter)
Tags: 2, creek, isang truck, mahulog, Quezon City