2 aksidente sa motorsiklo sa Zamboanga City, nirespondihan ng UNTV News and Rescue Team

by Radyo La Verdad | September 20, 2018 (Thursday) | 5689

Dalawang biktima sa magkahiwalay na aksidente sa motorsiklo ang tinulungan ng UNTV News and Rescue Team sa Zamboanga City.

Unang nirespondihan ng grupo ang aksidente sa Gate 1 ng Philippine Air Force, Barangay Santa Maria, pasado alas 10 kagabi. Sugatan sa kanang pisngi at magkabilang tuhod si Nor-ayni Yusup, 19 na taong gulang, isang nursing student.

Nilapatan ng UNTV News and Rescue Team ng pangunang lunas ang ng biktima na tumanggi ng magpadala sa pagamutan at sa halip nagpahatid na lamang sa kanilang bahay.

Ayon kay Yusup, pauwi na siya nang may bigla umanong may tumawid na sasakyan sa kaniyang dinaraanan. Agad siyang nagpreno sa motorsiklo kaya biglang tumilapon sa kalsada.

Samantala, isa pang aksidente sa motorsiklo ang nirespondehan ng UNTV Rescue, pasado alas dose kaninang madaling araw.

Nagtamo ng sugat sa kanang mukha ang biktima na si Gregorio Punzalan, 36 na taong gulang, residente ng Barangay Guiwan Porcentro, Zamboanga City.

Ayon sa biktima, mabilis ang pagpapatakbo niya ng motorsiklo kaya hindi niya napansin ang nakatambak na lupa sa gilid ng kalsada sa kaniyang unahan kaya bumangga siya rito.

Pagkatapos na mabigyan ng first aid ay tumanggi na rin itong magpa-ospital at nagpahatid na lamang sa kanilang bahay.

 

( Dante Amento / UNTV Correspondent )

Tags: , ,