2.9M manggagawa, nakinabang sa TUPAD program ng DOLE

by Erika Endraca | September 3, 2021 (Friday) | 6076

METRO MANILA – Umabot na sa 2.9 milyong manggagawang nawalan ng trabaho mula sa mga pormal at impormal na sektor ng paggawa ang nakinabang sa Tulong Panghanapbuhay sa Ating Disadvantaged/ Displaced Workers (TUPAD) na programa ng Department of Labor and Employment (DOLE).

Ayon ito sa pahayag ni Labor Secretary Silvestre Bello III mula sa ginanap na ceremonial program para sa payout ng 1,500 TUPAD assistance sa Candaba, Pampanga nitong Huwebes (Sept. 2).

Pinagbigay-alam ni Bello na mayroon nang kabuuang P12-B ang naipamigay na pampasahod para sa mga manggagawang nawalan ng trabaho na pansamantalang binigyan ng trabaho ng gobyerno kapalit ng community services.

Mayroong standard rate ang TUPAD payout sa Rehiyon 3 na ₱420 kada araw at may kabuuang ₱4,200 sa loob ng 10 araw.

Pinaalalahanan din ni Bello ang mga benepisyaryo na wag tatanggapin ang sweldo kung hindi eksakto ang halaga nito.

“Pagka hindi 4,200 ang mare-receive niyo, huwag niyong tanggapin. Kailangan kumpleto ang ibigay sa inyo. Four thousand two hundred, ‘yan ang suweldo ninyo sa pagtrabaho ninyo ng sampung araw.” ani DOLE Secretary Silvestre Bello III.

Samantala, ₱6,909,000 ang naipamahaging tulong ng TUPAD sa Candaba, 1,043 sa mga benepisyaryo ay mula sa Mandasig at ang 457 naman ay mula sa Bahay-Pari.

Pinangunahan ang ceremonial program na ito ng panlalawigan at lokal na pamahalaan ng Pampanga at Candaba.

(Evangelyn Alvarez | La Verdad Correspondent)

Tags: