2.7kg na LPG, delikadong gamitin sa loob ng bahay – DOE

by Jeck Deocampo | February 20, 2019 (Wednesday) | 12054

Larawan mula sa Hangzhou

MANILA, Philippines – Nagpaalalang muli sa mga konsyumer ang Deparment of Energy (DOE) na iwasang gumamit ng 2.7-kilogram na
liquefied petroleum gas (LPG) katulad ng ‘Superkalan’ sa loob ng bahay.

Sa ilalim ng panuntunang inilabas ng DOE, nakasaad na ang maliliit na LPG ay dapat lamang gamitin sa labas ng bahay o outdoor gaya sa mga camping, picnic at iba pang kahalintulad nito.

Batay sa isang department circular ng Kagawaran ng Enerhiya, inaatasan ang lahat ng LPG manufacturer at retailers na lagyan ng markang “for outdoor use only” ang mga ito.

Ito’y upang mabigyan ng babala ang mga mamimili sa panganib na posibleng maidulot kapag ginamit sa loob ng bahay ang mga 2.7-kilogram na LPG.

Paliwanag ng DOE, limitado ang safety feature nito kumpara sa 11-kilogram na tangke na pangkaraniwang ginagamit sa mga tahanan.

Sa monitoring ng Department of Energy-Oil Industry Bureau, maraming insidente ng sunog ang naitala sa nakalipas na mga taon bunsod ng paggamit nito sa loob ng bahay.

Dagdag pa ng kagawaran, iwasang bumili ng LPG na kalawangin na ang tangke. Dapat ding tiyakin na branded ang bibibilhin at iwasa ang mga walang marka.

Ugaliin din na ang regular na pagsisiyasat ng regulator at hose upang masiguro na walang gas leak bago gamitin.

(Joan Nano | UNTV News)

Tags: , , , ,