1st batch ng mga Repatriated Pinoy mula sa Sri Lanka, nakauwi na

by Radyo La Verdad | August 3, 2022 (Wednesday) | 19628

METRO MANILA – Nakauwi na sa Pilipinas nitong Sabado (Hulyo 30) ang 13 Pilipino galing Sri Lanka. Sila ang unang batch na binubuo ng 6 na babae, 2 lalake, at 5 menor de edad mula sa kabuuang 114 OFWs na babalik sa bansa dahil sa kasalukuyang economic crisis sa Sri Lanka.

Ayon kay Department of Foreign Affairs (DFA) Acting Undersecretary Eduardo Jose de Vega, tuloy-tuloy pa rin ang ginagawang pagtulong ng DFA sa mga OFW pati na sa mga Pilipinong undocumented contract workers upang matugunan ang kanilang pangangailangan kasabay ng pakikipag-ugnayan ng DFA sa iba pang ahensyang maaaring makatulong sa nangyayaring transition period.

Patuloy naman ang pagmo-monitor ng Office of the Undersecretary for Migrant Workers Affairs, Philippine Embassy in Bangladesh, at Philippine Honorary Consulate General in Colombo sa Sri Lanka upang matulungan ang mga OFWs sa iba’t ibang bagay tulad ng financial assistance.

Dagdag ni Usec. de Vega, mananatiling nakaagapay ang DFA sa mga Pilipinong apektado ng krisis sa Sri Lanka bilang tungkulin na maging tagapagtanggol ng kapakanan ng mga kababayang Pilipinong nasa ibang bansa.

Samantala, ang susunod na batch ng OFWs ay makakauwi sa bansa sa mga susunod na araw o linggo at inaasahang babalik ng kumpleto ang 114 na Pilipinong galing Sri Lanka sa ikalawang linggo ng Agosto.

(Evangelyn Alvarez | La Verdad Correspondent)

Tags: ,