1st at 3rd day ng National Vaccination drive, regular working days pa rin ayon sa NTF

by Radyo La Verdad | November 24, 2021 (Wednesday) | 1549

METRO MANILA – Inanunsyo ng National Task Force (NTF) Against COVID-19 na mananatiling regular working days ang November 29 at December 1 sa gaganaping National COVID-19 Vaccination Days upang hindi maantala ang takbo ng ekonomiya habang pinapaigting ng pamahalaan ang kampanya sa pagbabakuna sa buong bansa.

Ang ikalawang araw naman, November 30, ay regular non-working holiday bilang paggunita sa kapanganakan ni Andres Bonifacio, ang Ama ng Rebolusyong Pilipino.

“Nais din naming makabawi ng higit pa ang ating ekonomiya,” pahayag ni NTF Chief Secretary Carlito Galvez Jr. sa isang panayam habang isinasagawa ang ceremonial booster vaccination sa East Avenue Medical Center, Quezon City nitong Lunes.

Sa inihandang timeline ng NTF, target ng pamahalaan na mabakunahan 54 milyong Pilipino bago matapos ang taong ito at 77 milyong Pilipino sa 1st quarter ng susunod na taon, 20 milyon pa sa 2nd quarter at ang mga natitirang hindi pa bakunado sa 3rd quarter.

Ayon kay Secretary Galvez, posibleng masimulan na sa 1st quarter ng 2022 ang pagbabakuna sa mga batang edad 5-11 sakaling maaprubahan na ang emergency use authorization (EUA) dito habang tuloy-tuloy ang pagbabakuna sa 12-17 age group.

“Nais naming matapos ang pagbibigay ng booster shots sa ating mga health workers as soon as possible, by end of November to December 15,” ani NTF Chief Secretary Carlito Galvez Jr.

Target rin ng pamahalaan na makumpleto ang pagbibigay ng booster doses sa mga senior citizen at adults with comorbidities bago matapos ang taon at masimulan naman ang pagbibigay ng booster doses sa government workers at iba pang economic frontliners sa March hanggang May ng susunod na taon.

(Rachel Reanzares | La Verdad Correspondent)

Tags: ,