AFP, umaasang makikipagtulungan ang MILF upang mapanatili ang kapayapaan sa Mindanao sa darating na halalan

by Radyo La Verdad | March 10, 2016 (Thursday) | 3027

DANTE_KOOPERASYON
Puspusan na ang ginagawang paghahanda ng Armed Forces of the Philippines para sa gaganaping pambansang halalan sa buwan ng Mayo.

Partikular na tinututukan ng AFP ang mga lugar sa Mindanao na itinuturing na elections hotspots at mga kilalang kuta ng mga armadong grupo gaya ng Moro Islamic Liberation Front, Abu Sayyaf at Bangsamoro Islamic Freedom Fighters.

Ayon kay AFP Western Mindanao Commander Lieutenant General Mayoralgo Dela Cruz, bagama’t nakakalat na ang iba’t ibang unit ng militar, malaki ang maitutulong ng MILF sa pagpapanatili ng kapayapaan at kaayusan sa darating na halalan lalo na sa bahagi ng Maguindanao.

Bukod sa kabisado ng MILF ang kanilang teritoryo, may umiiral din silang kasunduang pangkapayapaan sa pamahalaan.

Tiniyak naman ni Dela Cruz na patuloy ang kanilang operasyon laban sa BIFF na maaaring maghasik ng karahasan sa panahon ng halalan.

May inilalatag na rin silang plano upang masiguro ang kaligtasan ng mga botante, pati na ng mga tauhan ng COMELEC at mga guro na magsisilbing election inspector sa May 2016 elections.

(Dante Amento / UNTV Correspondent)

Tags: , , , ,