PNP naghain ng petition for review sa DOJ sa kasong isinampa laban kay dating Pulopandan Mayor Magdaleno Peña

by Radyo La Verdad | March 10, 2016 (Thursday) | 2133

Jose-Maria-Espino
Kumpiyansa ang Philippine National Police na papaboran ng Department of Justice ang petition for review na isinampa nila kaugnay ng kaso kay dating Pulopandan Mayor Magdaleno Peña.

Ito’y matapos na idismiss ng lower court ang kasong illegal possession of firearms and explosives laban kay Mayor Peña.

Isang order mula sa sala ni Judge Maria Filomena Singh ang ipinakita ng kampo ni Peña na sinasabing nagpapawalang bisa sa search warrant ng mga pulis kaya na dissmiss ang kaso.

Ngunit matapos ma dismiss ang kaso sa lower court mismong hukom ang nagsabing peke ang dokumentong ipinakita ng kampo ni Peña.

Ayon kay dating CIDG Anti-Organized Crime Division Chief P/SSupt. Jose Maria Espino, hawak nila ang true copy ng search warrant na inisyu ng korte na nagpapatunay na legal ang kanilangoperasyon.

Kaya naman nagsampa rin sila ng falsification of public documents at perjury laban sa mga abogado at tauhan ni Mayor Peña dahil sa umano’y pekeng order na kanilang ginamit.

Sinabi pa ni Espino na kung papaboran sila ng DOJ ay inaasahan nilang madidismiss rin ang reklamo isinampa sa kanila sa Ombudsman.

Ang reklamo grave misconduct ng kampo ni Peña laban sa 33 opisyal at tauhan ng PNP ay dahil sa pag-raid sa kanilang bahay nang wala umanong warrant.

Kabilang sa mga inereklamo ang noon ay CIDG director na si PDDG Francisco Uyami na ngayon ay number 4 man ng PNP.

Ito rin ang gagamitin nila upang makuha pa ang 200 pang armas sa poder ng alkalde kabilang ang nasa mahigit 50 pang AK47.

Sa raid na isinagawa ng CIDG sa bahay ni Mayor Peña noong 2013 nakuha dito ang 90 baril, 18 libong mga bala at 2 explosives.

(Lea Ylagan/UNTV NEWS)

Tags: