Umano’y kaso ng microcephaly sa Fabella hospital, pinabulaanan ng DOH

by Radyo La Verdad | March 10, 2016 (Thursday) | 2862

FABELLA-HOSPITAL
Pinabulaanan ng Department of Health ang umano’y mga kaso ng microcephaly sa Dr. Jose Fabella Memorial Hospital simula January hanggang February ngayong taon.

Paliwanag ni DOH Secretary Janette Garin nitong nakaraang buwan anim na hinihinalang kaso ng microcephaly sa Fabella ang kanilang sinuri ngunit matapos ang ilang medical tests, lumabas na hindi ito kaso ng microcephaly, sa halip ito ay kaso ng macrocephaly at Small Gestational Age o SGA.

Ang macrocephaly ay isang kondisyon na namamana, kung saan mas malaki ang sukat ng formation ng ulo ng isang sanggol.

Habang ang SGA naman ay isang Estado kung saan mas maliit ang isang sanggol na maaring bunga ng malnutrisyon sa isang ina sa panahon ng kanyang pagbubuntis.

Nanindigan si Secretary Garin na hanggang sa ngayon ay wala pang naitatalang positibong kaso ng microcephaly sa bansa na maaring bunga ng Zika virus infection.

Ginawa ng kalihim ang pahayag matapos na lumabas sa facebook post ng isang doktor, na umano’y ilang kaso nang microcephaly ang silang na sanggol ang naitala sa nasabing ospital.

Hinamon naman ng kagawaran ang kanilang mga kritiko na maglabas ng ulat at mga dokumento upang mapatunayan kung may katotohan ang sinasabing mga kaso ng microcephaly.

(Joan Nano/UNTV NEWS)

Tags: