Labing siyam na sentimo kada kilowatt hour ang mababawas sa singil sa kuryente ng mga customer ng Meralco ngayong buwan ng Marso.
Lahat ng mga komokonsumo ng 200kw kada buwan ay makatitipid ng P38 sa kanilang bill, P57 naman sa komokonsumo ng 300kw, P76 sa 400kw at halos isang daang piso sa komokonsumo ng 500kw kada buwan.
Ang mababang generation charge at iba pang factor ang dahilan ng pagbaba ng singil sa kuryente ngayong buwan.
Bagamat nagkaroon ng maintenance shutdown ang ilang planta noong Pebrero nabawi naman ito ng pagbagsak ng presyo ng kuryente ng mga plantang nasa ilalim ng Power Supply Agreement o PSA.
Bumaba rin ang singil ng mga planta mula sa Independent Power Producers o IPPS, marami ring supply ng kuryente mula sa mga malalaking planta gaya ng Sta.Rita at San Lorenzo power plant.
Bumaba naman ang system lost performance ng Meralco noong nakaraang taon, dahil dito nakatipid ng 4.5 billion pesos ang mga customer ng Meralco o katumbas ng twelve centavos per kilowatt hour.
Pinangangambahan naman na magkakaroon ng pagtaas sa singil sa kuryente sa mga susunod na buwan.
Ayon sa Meralco habang umiinit ang panahon ay tumataas naman ang konsumo ng mga tao sa kuryente.
Ayon sa Meralco, kailangang sabayan ng mga consumer ng pagtitipid sa paggamit ng kuryente ang panahon ng tag-init upang makaiwas sa mataas na singil sa kuryente.
Nakatakda ring magsagawa ng maintenance shutdown ang ilang planta ngayong buwan ng Marso, ito ay upang huwag na itong sumabay sa panahon ng eleksyon.
(Mon Jocson/UNTV NEWS)