Dalawang refurbished C-130 aircrafts mula sa Amerika, nakatakdang dumating ngayong taon

by Radyo La Verdad | March 9, 2016 (Wednesday) | 1874

Commanding-General-LGen-Jeffrey-Delgado
Ibinalita ni Philippine Airforce outgoing Commanding General LGen. Jeffrey Delgado na paparating na sa March 15 ang isa sa dalawang refurbished C-130 aircrafts mula sa United States of America na sa kabuoan ay nagkakahalaga ng 1.6 billion pesos.

Sa ngayon, nasa Amerika ang Philippine Airforce Technical Working Group upang inspeksyunin ang C-130 bago ito ideliver ngayong Marso samantalang ang isa pang C-130 ay target maideliver sa Setyembre.

Samantala, sa huling pagkakataon, iinspeksyunin ng outgoing Philippine Airforce Commanding General LGen. Delgado ang mga airforce troop at air asset ngayon araw sa kaniyang retirement at turnover ceremony sa Lipa, Batangas.

Kasabay nito, paliliparin ang dalawang fa-50 fighter jets na isa sa mga makabagong kagamitang ini-acquire ng Armed Forces of the Philippines para sa modernization program.

Bukod sa supersonic fighter jets, kasama rin sa mga air asset na na-acquire ng philippine airforce sa ilalim ng pamumuno ni LGen. Delgado ang 34 na aircrafts kabilang ang C-295 medium-lift aircraft, agusta 109 attack helicopters, bell 412, at UH-1D helicopters.

Samantala, kinumpirma na ng Department of National Defense na si LGen. Edgar Fallorina ang hahalili kay LT. Gen. Delgado bilang susunod na commanding general ng Philippine Airforce.

Si LT. Gen. Fallorina ang kasalukuyang Deputy Chief of Staff ng AFP.

Kabilang si LGen. Delgado sa Philippine Military Academy Sandigan Class of 1982.

At bilang isang piloto ng hukbong himpapawid ng Pilipinas, dalawang beses nang muntik masawi si LGen. Delgado dahil sa tora-tora o helicopter na sa sobrang kalumaan ay palyado na ang makina.

Kaya naman, kahit na magreretiro na si LGen. Delgado, umaasa itong maipagpapatuloy ng mga susunod na administrasyon ang AFP Modernization Program.

(Rosalie Coz/UNTV NEWS)

Tags: