Mga nakaditeneng opisyal na may kasong malversation thru falsification sa Sandiganbayan, maaari nang pansamantalang makalaya

by Radyo La Verdad | March 9, 2016 (Wednesday) | 2408

BAIL
Matapos maditine ng halos dalawang taon sa Philippine National Police Custodial Center, pinayagan na ng Sandiganbayan na makapagpiyansa si dating National Capital Region Police Office Dir. Geary Barias.

Nagbayad na kahapon ng 400 thousand peso bail ang kanyang abogado na si Joel Ferrer ng para sa 2 counts ng malversation thru falsification of documents at 60 thousand pesos para sa 2 counts ng graft.

Si Barias ang isa sa mga nakasuhan sa Sandiganbayan, kaugnay ng umano’y ghost repair ng dalawamput walong armoured vehicles na nagkakahalaga ng 385 million pesos noong 2007.

Una nang hindi pinagbigyan ng Sandiganbayan noong nakaraang taon ang bail petition ng mga akusado sa basehang matibay ang ebidensya na iprinisinta sa korte laban sa kanila.

Ngunit binago ito ngayon ng Sandiganbayan dahil sa desisyon ng Korte Suprema sa kaparehong kaso na hinawakan nito.

Sa resolution ng pinakamataas na hukuman sa kaso ni dating Bacolod City Mayor Luzviminda Valdez, sinabi nitong karapatan ng mga akusadong nahaharap sa kasong malversation through falsification of public documents na makapagpiyansa.

Bagaman naturingang non bailable ang kasong ito, ayon kay Atty Ferrer, maraming akusado ang papayagan na ring magpiyansa dahil sa desisyon ng Korte Suprema.

Ngunit nilinaw ng abugado na kailangan muna ito dumaan sa tamang proseso sa korte.

Dahil sa pagbabago ng desisyon ng Sandiganbayan, naghain na rin ng mosyon si PNP Chief Avelino Razon upang payagan na rin na pansamantalang makalaya sa kanyang kaso.

Nakatakdang dinggin ng korte ang mosyon sa biyernes.

(Joyce Balancio/UNTV NEWS)

Tags: ,