Kapitan ng naka-impound na North Korean MV Jin Teng sa Subic port, planong maghain ng reklamo vs ilang gov’t agencies

by Radyo La Verdad | March 9, 2016 (Wednesday) | 1203

MV-Jin-Teng
Magsasampa ng reklamo ang kapitan ng MV Jin Teng cargo ship laban sa ilang ahensya ng pamahalaan ng Pilipinas na nagbigay ng utos na huwag silang payagang umalis ng bansa.

Batay sa isinumite nilang dokumento sa Seaport Department Port Operations Division Shipboarding and Safety Branch ng Subic Bay Metropolitan Authority, lunes pa sana ang schedule nilang umalis ng Pilipinas papuntang Indonesia ngunit hindi ito natuloy sa utos na rin ng Department of Foreign Affairs.

Na-impound ang naturang barko sa Subic port sa Zambales matapos ipatupad ng Pilipinas ang resolusyon ng United Nations Security Council na nagpapataw ng panibagong sanctions sa North Korea dahil sa pagsasagawa nito ng ballistic missile test.

Sa ilalim ng sanction, naka-freeze ang lahat ng asset ng North Korea na kasama sa watchlist bilang parusa sa di umano’y nuclear weapons program nito na layong magsagawa ng intercontinental ballistic missiles.

Ngunit giit ng mga tripulante ng North Korean freighter, dapat payagan na silang maglayag dahil wala naman nakitang kahina-hinalang bagay sa kanilang kargamento.

Chinese company rin anila ang may-ari ng barko bagaman pawang North Korean nationals ang mga crew nito.

Sa inter-agency meeting ng SBMA simula kahapon, binigyan na nila ng clearance upang maglayag ang MV Jin Teng ngunit hindi ito maipatutupad hangga’t hindi natatapos ang imbestigasyon at inspeksyon.

Napag-usapan rin sa pulong na repatriation na lamang ang isasagawa sa dalawampu’t isang crew ng barko sa halip na deportation dahil masyado umanong matagal ang proseso nito.

Isasagawa ang repatriation process kapag natapos ang imbestigasyonng Pilipinas at naisumite ito sa U-N.

Sa ngayon ay hindi muna pinapayagan ang mga tauhan ng barko na bumaba at lumabas ng Subic bay freeport.

(Joshua Antonio/UNTV NEWS)

Tags: