Mungkahing pagkakaroon ng random testing sa Zika virus infection, tinutulan ng DOH

by Radyo La Verdad | March 9, 2016 (Wednesday) | 2647

JANETTE-GARIN
Hindi pinaboran ng Department of Health ang panukalang random testing sa Zika virus infection sa ilang lugar sa Pilipinas upang matukoy kung mayroong iba pang kaso nito sa bansa.

Ayon kay Health Secretary Janette Garin, hindi makatwiran ang mungkahing ito at hindi rin naayon sa rekomendasyon ng World Health Organization.

Batay sa panuntunan ng WHO, tanging sa mga pasyenteng may mga sintomas dapat gamitin ang mga Zika testing kit.

Sa kasalukuyan, tinayatang halos dalawang libong Zika virus testing kits lamang ang available sa Department of Health na ipamamahagi sa mga pampublikong ospital na sinanay sa paggamit nito.

Ang panukalang random testing ay kasunod ng balitang isang American national na bumisita sa bansa ang nagpositibo sa Zika virus infection.

Sa ngayon ay hindi pa rin tukoy ng mga eksperto, kung saan nakuha ng dayuhan ang virus.

Hindi naman isinasantabi ng DOH ang posibilidad na maaring dito sa Pilipinas nakuha ng foreigner ang infection lalo’t mayroon dito sa bansa ng lamok na carrier ng Zika virus.

Panawagan naman ang ahensya sa iba pang kasamahan sa health sector na sa halip na maghatid ng pangamba sa publiko, mas makabubuti kung makipagtulungan na lamang sa kanilang kampanya na masugpo ang posibleng paglaganap ng sakit sa bansa.

(Joan Nano/UNTV NEWS)

Tags: ,