Comelec, inatasan ng Korte Suprema na mag-isyu ng voter’s receipt sa darating na halalan

by Radyo La Verdad | March 9, 2016 (Wednesday) | 2032

SUPREME-COURT
Pinagbigyan ng Korte Suprema ang petisyon ni dating Senador Dick Gordon na ibalik ng Commission on Elections ang tinanggal na safety feature ng Vote Counting Machines, partikular ang pag iimprenta ng voter’s receipt.

Sa unanimous na botohan ng mga mahistrado, inatasan ng mataas na hukuman ang Comelec na mag-isyu ng resibo sa mga botante sa darating na halalan sa Mayo.

“The court, voting 14-0, with Justice Arturo Brion on leave, rendered the following judgment: Wherefore, the petition for mandamus is granted. The Commission on Elections is ordered to enable the vote verification feature of the Vote Counting Machines, which prints the voter’s choices .” Pahayag ni Supreme Court Spokesperson Atty. Theodore Te

Ngunit ayon sa Korte Suprema, hindi maaaring dalhin ng botante ang resibo at ilabas ng presinto.

Sa halip, idedeposito ito sa isang hiwalay na ballot box matapos maberipika ng botante na valid at nabasa nang tama ang kanyang boto.

Ito ay upang maiwasang magamit sa vote-buying ang inisyung voter’s receipt gaya ng pinangangambahan ng Comelec.

Aatasan din ng Korte ang Comelec na bumuo ng panuntunan sa pagre-release at disposal ng inisyung mga resibo upang matiyak na magiging malinis at maayos ang halalan sa Mayo.

(Roderic Mendoza/UNTV NEWS)

Tags: , ,