Lowell Menorca, hindi nakadalo sa pagdinig ng Court of Appeals sa kanyang Amparo Petition

by Radyo La Verdad | March 8, 2016 (Tuesday) | 9077

Atty.-Trixie-Angeles
Hindi nakadalo sa pagdinig ng Court of Appeals 7th Division sa kanyang Amparo Petition ang dating ministro ng Iglesia ni Cristo na si Lowell Menorca.

Nakatakdang humarap sana kahapon sa pagdinig si Menorca para sa pagpapatuloy ng cross examination sa kanya.

Ngunit ayon sa kanyang abogado na si Atty. Trixie Angeles, simula pa alas otso gabi ng Linggo ay hindi na nila makontak si Menorca at ang pamilya nito.

Tumawag umano sa kanila si Menorca upang ipaalam ang intensyon nitong umalis ng bansa dahil sa pagbabanta sa kanilang buhay.

Pagdating sa airport, hinarang umano si Menorca ng mga Immigration officials dahil mayroon aniyang hold departure order laban sa kanya.

Ngunit ilang minuto ang lumipas, muling tumawag si Menorca at sinabing pinapayagan na silang umalis.

Inatasan na ng Court of Appeals ang Bureau of Immigration at ang PNP na alamin at i-report sa kanila sa loob ng limang araw ang kinaroroonan ni Menorca.

Ayon naman sa tagapagsalita ng immigration, walang hold depature order si Menorca kaya’t pinayagan itong umalis ng bansa linggo patungong Vietnam.

Itutuloy ng C-A ang pagdinig sa Amparo petition ni Menorca sa Marso 21.

Inihain ni Menorca ang naturang petisyon upang mabigyan sila ng proteksyon ng pamahalaan sa umano’y nagpapatuloy na banta sa buhay ng kanyang pamilya.

Kasama sa mga respondent sa petisyon ang executive minister ng INC na si Eduardo Manalo at ang mga miyembro ng sanggunian ng Iglesia ni Cristo.

Nag ugat ito sa alegasyon ni Menorca na ipinadukot siya at ang kanyang pamilya at sapilitan silang ikinulong sa INC compound sa Quezon City noong Hulyo ng nakaraang taon.

Paniwala ni Menorca, may kinalaman ang pamunuan ng Iglesia ni Cristo sa pagkulong sa kanila dahil isa siya sa pinaghihinalaang nasa likod ng blog ng isang Antonio Ebanghelista na nagbunyag ng umano’y mga katiwalian sa loob ng INC.

(Roderic Mendoza/UNTV NEWS)

Tags: , ,