AFP, pinag-iingat ang publiko sa pagpost at pagse-share sa social media kaugnay ng terorismo at extremism

by Radyo La Verdad | March 8, 2016 (Tuesday) | 2035

SOCIAL-MEDIA
Isang larawan ng sokol helicopter ng Philippine Airforce na bumagsak sa Marawi City noong August 2014 dahil sa technical failure.

Subalit ngayon, kulang 300 beses na itong isineshare sa facebook at iniuugnay sa bakbakang nangyari kamakailan sa Butig Lanao del Sur sa pagitan ng mga militar at teroristang grupong Maute.

Isa lamang ito sa tatlong larawang kumakalat sa social media ngayon samantalang ang dalawang larawan ay makikita ang maraming sundalong nasawi.

Ayon sa Armed Forces of the Philippines, kasinungalingan ang mga larawang ito na ipinost sa social media.

Ayon sa opisyal at huling tala ng Armed Forces of the Philippines, anim na sundalo ang nasawi at 12 ang sugatan dahil sa naturang bakbakan.

Kaya naman nagpaalala ang AFP sa publiko na tiyakin ang pinanggalingan at kredibilidad ng larawan at impormasyon bago i-post at i-share sa social media.

Lalo na’t maaaring ang source nito ay sumusuporta sa terorismo at extremism.

Dagdag pa nito, ang mga pagkalat ng mga maling larawan ay magdudulot ng misinformation sa publiko at makakapagpromote pa sa terorismo at mga kaaway ng gobyerno.

(Rosalie Coz/UNTV NEWS)

Tags: