Truck holiday ng mga trucker at broker, nagsimula na ngayong araw

by Radyo La Verdad | March 7, 2016 (Monday) | 4580

macky_truck-holiday
Itinuloy ng iba’t ibang grupo ng customs brokers at ng mga port truckers ang truck holiday ngayong araw bilang protesta kontra sa Terminal Appointment Booking System o TABS.

Ang TABS ay bagong booking system ng mga truck sa pantalan kung saan online na makakapagpa-book dito kaya hindi na kinakailangang makipagsisiksikan ng mga truck sa port para makakuha ng time slot.

Ayon kay Abe Rebao, Vice president ng Aduana Truckers. Hindi sila tutol sa pababago subalit tutol sila sa mahal na penalties ng TABS na umanoy mapupunta lang sa private operator nito.

Marami anya ang siguradong mahuhuli sa pagdating sa port dahil sa masikip na trapiko sa Metro Manila.

Kapag na-late ang truck sa naipabook na oras ay kailangan nitong magbayad ng P1625 na penalty, P3251 naman kapag hindi dumating ang truck.

Subalit ayon kay Secretary to the Cabinet Rene Almendras, ang penalties ay disiplina at kabayaran sa naging gastos at abalang idudulot ng mga late at hindi sisipot sa na-schedule na oras.

Bago anya dumating ang truck sa ipina-book nitong oras ay inihahanda na nila ang naglalaking container van na hahakutin nito, kung kaya’t malaking abala ito hindi lamang sa kanila kundi maging sa iba pang truckers kung hindi sisipot sa oras at no show ang truck.

Kasama sa truck holiday na ito ang customs brokers at truckers ng Aduana, Profesional Customs Brokers Association of the Philippines Inc, Chambers of Customs Brokers Inc, Phil SOCIETY at Aksyon Agad Samahan ng mga Personero Personera.

Itutuloy anya nila ang truck holiday hanggang sa maglaan na ng tenga ang gobyerno para sa kanilang mga hinaing.

Sa March 11 ay sisimulan na ang full implementation ng TABS sa Manila International Container Terminal at lahat ng mga truck na hindi naipa-book ay hindi makakalabas at makakapasok sa naturang pantalan.

(Macky Libradilla / UNTV Radio Correspondent)

Tags: , , ,