Comelec, inaprubahan ang paggamit sa on-screen verification ng VCM sa halalan

by Radyo La Verdad | March 4, 2016 (Friday) | 1590

VICTOR_BAUTISTA
Gagamitin ng Commission On Elections sa araw ng halalan ang onscreen verification feature ng Vote Counting Machines upang makita ng mga botante kung paano binasa ng makina ang laman ng kaniyang balota.

Ayon kay COMELEC Chairman Andres Bautista, nagdesisyon ang COMELEC na paganahin ang onscreen verification feature ng VCM na tatagal hanggang 15 segundo lamang bawat botante.

Kung walang gagalawin ang botante sa screen sa loob ng 15 segundo, kusa nang mahuhulog sa ballot box ang kaniyang balota.

Subalit kung may napansing problema ang botante maaari niyang pindutin ang red button sa makina upang muling lumabas ang balota at babalik uli siya sa voting area para ayusin ito.

Undervote at oval na hindi na-shade ng buo lamang ang maaaring ayusin ng botante sa balota.

Muling iginiit ng Commission On Election na hindi sila mag-iimprenta ng resibo para sa mga botante.

Ayon kay COMELEC Chairman Andres Bautista, bukod sa madadagdagan ng mahigit dalawang oras ang voting time maari ding magamit sa vote buying ang mga resibo.

Mangangailangan din ng karagdagang pondo ang COMELEC para sa thermal papers at sa deployment ng mga yellow ballot boxes na siyang paghuhulugan ng mga resibo.

Ipinahayag din ni Bautista handa silang sundin kung anuman ang magiging desisyon ng korte.

(Victor Cosare / UNTV Correspondent)

Tags: , , ,