Pag-iimprenta ng mga bagong pakete ng sigarilyo na nagtataglay ng graphic health warning, nagsimula na

by Radyo La Verdad | March 4, 2016 (Friday) | 2885

SIGARILYO
Simula na ngayong araw ang pagiimprenta ng bagong disenyo sa bawat pakete ng sigarilyo alinsundo sa Graphic Health Warnings Law.

Nangangahulugan ito na kailangang may mga litrato na ng masamang epekto ng paninigarilyo sa kalusugan ng tao at hindi lang basta text based design ang iiimprentang packaging ng sigarilyo.

Sa ilalim ng Republic Act No 10643, o ang Graphic Health Warnings Law, limampung porsyento o kalahati ng ibabang bahagi ng bawat pakete ng sigarilyo ay dapat na mayroong nang graphic health warnings

Ang mga lumang cigarette packaging ay papayagan na lamang ibenta sa merkado hanggang sa November 3, 2016.

Tulad ng Sin Tax Law, layon rin ng batas na ito na bigyang babala ang publiko hinggil sa panganib na idinudulot ng paninigarilyo.

Sa pagaaral ngmga eksperto, mahigit sa dalawang daang pilipino ang namamatay kada-araw dahil sa sakit na ibinubunga ng paggamit sigarilyo.

Kaalinsabay nito, nanawagan rin ang ilang health advocates sa tobacco companies, hinggil sa striktong pagsunod sa nasabing batas.

Sinomang tobacco company na lalabag sa batas na ito ay maaring pagmultahin ng 500 thousand pesos para sa first offense,at 1 million pesos naman para sa second offense.

Habang ang 3rd offense penalty naman ay maaring abutin ng hanggang sa 2 million pesos at posibleng makulong ang may-ari ng hindi bababa sa limang taon.

Maari rin itong humantong sa pagaalis ng business permit hanggang sa tuluyang pagpapasara ng establisyimento.

Nangako naman ang mga grupong ito na makikipagtulungan sa iba pang ahensya ng pamahalaan kaugnay sa mahigpit na pagmomonitor sa sinomang hindi susunod sa kautusang ito.

(Joan Nano/UNTV NEWS)

Tags: