Importer ng mamahaling sasakyan sa Taguig city, inireklamo ng tax evasion ng BIR

by Radyo La Verdad | March 3, 2016 (Thursday) | 1855

BIR
Inireklamo ng tax evasion ng BIR ang isang importer ng mamahaling mga SUV sa Taguig City dahil sa hindi pagdedeklara ng kanyang kita at hindi pagbabayad ng income tax noong 2012 at 2013.

Kinilala ng BIR ang inirereklamong negosyante na si Jonamie Ronate Publico, may-ari ng Adelc Trading sa Makati City.

Mahigit 800-million pesos na halaga ng mamahaling sasakyan galing sa United Arab Emirates ang inimport umano ni Publico noong 2012 at 2013 ngunit wala itong binayarang buwis sa BIR.

Sa pagtaya ng ahensiya, aabot sa mahigit kalahating bilyong piso ang income tax na dapat bayaran ng importer kasama na ang mga interes.

Babala naman ng BIR, marami sa mga ibinebentang imported na sasakyan ang hindi bayad ang excise tax at walang ATRIG o Authority To Release Imported Goods.

Pinag-aaralan naman ng bir ang pagbibigay ng pagkakataon sa mga nakabili ng imported at mamahaling SUV na ayusin ang atrig at bayaran ang kaukulang buwis nito.

Sabi ni Henares, kukulangin ang kanilang parking area kung hahatakin nila lahat ng mga sasakyang may depektibong papeles at hindi bayad ang excise tax.

Nakikipag ugnayan na rin ang ahensiya sa Bureau of Customs at Land Transportation Office upang tukuyin ang mga imported na sasakyang walang ATRIG at hindi bayad ang buwis.

(Roderic Mendoza / UNTV Correspondent)

Tags: , , , ,