Dismissed Makati Mayor Junjun Binay,handa tumestigo sa kaso sa Sandiganbayan

by Radyo La Verdad | March 3, 2016 (Thursday) | 1681

Atty.-Claro-Certeza
“Magtetestify si Mayor Junjun. Gaya nga ng sinasabi ko hindi naman tama yung sinasabi ng kanilang mga katunggali sa pulitika na hindi humaharap si Mayor or si Vice President, haharap sila sa tamang forum, katulad ng husgado na ganito”

Ito ang pahayag ng abogado ni dismissed Makati Mayor Junjun Binay.

Ayon sa kanyang abogado na si Atty. Claro Certeza, dito mapapatunayan ng kampo ng mga Binay na pamumulitika lang at walang basehan ang kaso isinampa ng Office of the Ombudsman laban sa kanya.

Nahaharap ngayon si Binay sa kasong graft at falsification of public documents kaugnay ng umano’y overpriced construction ng Makati City Parking Building na umabot sa 2.2 billion pesos.

Bagaman kasama sa mga dapat kasuhan ng Ombudsman, hindi pa nasampahan si Vice President Jejomar Binay dahil may immunity from suit pa ito.

Sa pagdinig ng Sandiganbayan 3rd Division sa hiling ni Binay na madismiss ang kaso, napuna naman ni Associate Justice Samuel Martires na tila hindi handa ang prosekusyon sa kaso.

Kulang-kulang pa kasi ang mga supporting document at resolusyon mula sa Ombudsman.

Dahil dito sinabi ni Associate Justice Martires na maaari nilang i-cite in contempt ang Ombudsman dahil sa tila hindi pagbibigay ng importansya sa korte.

Kita umano dito ang pag-aassign nila ng state prosecutors na humaharap sa kanila na hindi handa sa kaso.

Sa mosyon nila Binay ginigiit nilang dapat nang idismiss ang kaso dahil sa kawalan ng matibay na ebidensya laban sa kanila.

Binigyan muna ng korte ng sampung araw ang kampo ng prosecution para maghain ng comment sa mosyon ni Binay, at sampung araw din ang kampo ni Binay para magreply dito.

Matapos nito, magtatakba pa ng hearing sa Abril bago magdesisyon ang korte kung may sapat na basehan para idismiss na ang kaso.

(Joyce Balancio/UNTV NEWS)

Tags: ,