Pinangunahan ni Pangulong Aquino ang paginspeksiyon at time capsule-laying sa bagong Bohol Airport Construction at Sustainable Environment Protection Project o ang Panglao Airport sa Brgy. Lourdes Panglao Bohol.
Inaasahang matatapos ang konstruksiyon sa December 2017.
Ang Chiyoda-Mitsubishi Joint Venture (CMJV) ang Contractor ng proyekto na sinimulan noong June 2015 sa pakikipagtulungan ng Japan International Cooperation Agency (JICA) bilang funding agency.
Sa talumpati ni Pangulong Aquino, muli nitong binigyang diin sa mga Boholano na dapat ay walang naiiwan sa pag-unlad ng bansa.
Isa aniya ang Bohol na tinutukan ng kaniyang administrasyon pagkatapos ng lindol noong 2013.
“Sa pag-ikot natin sa bansa, tinutukoy natin ang mga pangangailangan ng komunidad, at agad itong tinutugunan. Isa po ang Bohol sa mga tinutukan natin matapos yanigin ng malakas na lindol ang inyong probinsya.” Pahayag ng Pangulo.
Ayon kay Aquino, ang bagong paliparan ay inaasahang magsisilbi sa 1.7 milyong turista kada taon.
Triple aniya ng bilang mula sa mahigit na limandaang libong turisa lamang kada taon na dumadagsa sa Tagbilaran Airport na umano’y mas maliit at limitado lamang ang nakikinabang.
Mahalaga aniyang mapagtuunan ng pansin ang turismo sa Bohol dahil isa ito pinagkakakitaan sa naturang lugar.
Paliwanag ng Pangulo, kada turista aniyang bumibisita sa lugar ay nakakalikha ng trabaho o pagkakakitaan ang mamamayan ng Bohol.
“At tinataya po na gumugugol ang bawat isa ng di-bababa sa isang libong dolyar kada bisita sa atin. Sa madaling salita, hindi lang yung airline ang kikita, yung may-ari ng resort ang kikita, yung nagbebenta ng pagkain para may pakain yung resort ang kikita, yung tourist guide na hindi kailangang aral na aral ang kikita, yung gumagawa ng pagwi-weave ng handicrafts ang kikita.” Pahayag ng Pangulo.
Samantala, bukod dito pinangunahan din ng Pangulo ang ceremonial switch-on para sa pagpapailaw naman ng 2,684 na sitio sa Central Visayas.
Ito ay sa ilalim ng Sitio Electrification Program ng administrasyong Aquino.
“Dito po sa Bohol, 100 percent energized na po ang nireport sa atin ng lahat ng inyong mga sitio. Sa buong bansa naman, 32,026 na sitio o 98.72 percent ng kabuuang target ang napailawan na natin. Bago nga raw po matapos ang Marso, matatapos na ang lahat ng natukoy sa ating imbentaryo. Marso pong kasalukuyan iyan, hindi 2017.” Diin ng Pangulo.
Naging bahagi rin ng talumpati ng Pangulo para sa mga Boholano ang pangangampanya nito sa tambalang Roxas at Robredo na aniya’y magpapatuloy sa kaniyang nasimulan.
(Jerico Albano/UNTV RADIO)
Tags: Panglao Airport, Pangulong Aquino