Grab bike driver, huli sa entrapment operation ng LTFRB

by Radyo La Verdad | March 2, 2016 (Wednesday) | 1720

MON_LTFRB
Si LTFRB Chairman Winston Ginez mismo ang nag book sa Grab bike na huhulihin sa entrapment operation.

Mga ilang minuto pa ay dumating na sa opisina ng LTFRB ang kawawang Grab bike driver.

Mukhang medyo kinakabahan na ito ng pumasok sa gate subalit sinalubong agad ito ng isang opisyal ng ahensya.

Hindi na nakawala ang Grab bike driver na kinilalang si Mon Carlo Gaya.

Aniya hindi naman sila tumatanggap ng bayad dahil free ride ang kanilang alok sa mga commuter.

Nais ni Chairman Ginez na makakalap ng impormasyon hinggil sa operasyon ng Grab bike dahil hindi makasagot ng maayos ang mga abogado ng Grab.

Naglabas ng cease and desist order ang LTFRB sa Grab bike dahil hindi ito aprubado ng ahensya.

Subalit sa kabila nito, patuloy pa rin ang operasyon ng Grab bike na maituturing na colorum.

Tatlong buwan na ma i-impound ang motorsiklo ng nahuling driver at isasailalim sa pagdinig ang kanyang kaso.

Kapag napatunayang lumabag sa batas, magmumulta ng fifty thousand pesos ang driver batay sa joint administrative order ng DOTC.

Ayon sa LTFRB, grounds din ito upang ma -kansela ang lisensya ng Grab na makapag operate.

Mayroon ding Grab jeep na inilunsad subalit maituturing itong colorum dahil walang prangkisa mula sa LTFRB.

Sa susunod na linggo ay didinggin ang kaso ng nahuling Grab bike driver, sa ngayon ay hindi pa nagbibigay ng pahayag ang Grab Philippines.

(Mon Jocson / UNTV Correspondent)

Tags: , ,