Puspusan pa rin ang paglilibot ng iba’t ibang partido upang suyuin ang ating mga kababayang boboto sa halalan sa Mayo.
Sa ika-apat na linggo ng campaign period, nilibot ng Partido Galing at Puso ang ilang bayan sa lalawigan ng Pampanga.
Kabilang na ang Apalit at San Fernando kung saan sila nagsagawa ng maikling public consultation.
Nagpasalamat naman si Senator Grace Poe sa suportang ibinigay sa kanila ng Nationalist People’s Coalition.
Lunes pormal na inanunsyo ng NPC na susuportahan nila ang Poe-Escudero tandem.
Sa Biñan Laguna naman nagtungo si Senator Miriam Defensor Santiago.
Hinimok ng Senadora ang mga magaaral at mga faculty member ng University of Perpetual Help na panahon na para magkaroon ng transpormasyon ang bansa.
Ayon pa sa senadora sakaling siya ang maging pangulo ng bansa una niyang gagawin ay ang pagbibigay ng trabaho sa dalawang milyong Pilipino.
Agad na umalis ang senadora matapos ang kaniyang talumpati na tumagal lamang ng sampung minuto.
Nag-ikot naman ang Partido Liberal sa ilang lungsod sa Metro Manila.
Kabilang sa pinuntahan ng Team Roxas-Robredo ay ang Parañaque at Las Piñas City.
Kinausap din ng Mar-Leni Tandem ang mga estudyante sa University of Perpetual Help sa Las Pinas.
Kabilang sa isinusulong ni LP Standard Bearer Mar Roxas ay trabaho para sa mga estudyante pagkatapos ng pag-aaral at pagpapalakas ng turismo sa bansa dahil dito umano makakakuha ng trabaho ang maraming Pilipino.
Samantala, ang mga kababayan naman natin sa lalawigan ng Romblon ang binisita ni Vice President Jejomar Binay.
Kabilang sa plataporma ni Binay ay ang pagtutuloy sa Pantawid Pamilya Pilipino Program o 4P’S ng pamahalaan para sa milyon-milyong maralitang Pilipino.
(UNTV NEWS)