Mga baradong estero sa Metro Manila, sinimulan nang linisin bilang màagang paghahanda sa tag-ulan

by Radyo La Verdad | March 2, 2016 (Wednesday) | 3171

MMDA
Hindi na kayang i mano-mano ng Metropolitan Manila Development Authority ang pagkuha sa napakaraming basura sa estero Antipolo sa Maynila.

Kinailangan ng backhoe ito upang matanggal ang mga nakabarang basura sa estero.

Karamihan sa mga nakuha ay mga basura na hindi natutunaw gaya ng mga plastic.

Taon-taon ay ginagawa ng MMDA ang estero blitz project bilang paghahanda sa pagpasok ng tagulan.

Mga baradong kanal at estero ang isa sa mga pangunahing dahilan ng pagbaha sa Metro Manila at karamihan sa mga nagiging sanhi nito ay pagtatapon ng basura ng mga residenteng nakatira malapit sa mga estero

Matapos itong linisin, kukunan ng litrato ng MMDA ang mga estero at bibigyan ng kopya ang barangay at Ombudsman.

Pagkatapos ng ilang panahon ay babalik ang mga tauhan ng MMDA sa lugar upang tignan ito at kapag nakitang maraming basura na naman ang nakatambak ay gagamitin nila itong batayan upang sampahan ng reklamo sa Ombudsman ang mga magpapabayang opisyal ng barangay.

Subalit ayon sa mga opisyal ng barangay malapit sa estero ng Antipolo, ginagawa naman nila ang kanilang trabaho subalit hindi nakikiisa ang ibang barangay.

Isinusulong na rin ng MMDA na mahigpit na maipatupad ang plastic ban sa buong Metro Manila.

May ilang lungsod na sa Metro Manila gaya ng Marikina na may total plastic ban.

Ang estero blitz project ng MMDA ay iikot sa buong Metro Manila hanggang bago pumasok ang panahon ng tag-ulan.

(Mon Jocson/UNTV NEWS)

Tags: ,