Itinuturing nang submitted for resolution ang petisyon ni dating Senador Dick Gordon na naglalayong utusan ang Commission on Elections na gamitin o i-activate ang security features ng Vote Counting Machines partikular ang pag iimprenta ng voter’s receipt.
Ito’y matapos hindi pagbigyan ng Korte Suprema ang hiling na palugit ng Comelec upang makapagsumite ng kanilang comment.
Sa kautusang inilabas ng mataas na hukuman noong nakaraang martes, binigyan lamang ng limang araw ang komisyon upang magsumite ng kanilang sagot sa petisyon ni gordon.
Wala ring utos sa ngayon ang Korte Suprema na i consolidate o pagsama samahin ang petisyon ni Gordon sa kaparehong mga petisyon na inihain ng PDP-LABAN at ng dating senatorial candidate na si Greco Belgica.
Iginigiit nina Gordon at ng iba pang petitioner na dapat mag-isyu ng resibo ang mga makinang gagamitin sa darating na halalan upang matiyak na valid at nabilang ng tama ang mga boto.
Isa ang voter’s receipt sa mga security feature na itinatakda ng automated elections law kayat dapat itong sundin ng Comelec.
Dati namang sinabi ng Comelec na posibleng magamit lamang sa vote-buying ang resibo bukod sa magpapatagal ito sa proseso ng halalan sa Mayo.
(Roderic Mendoza/UNTV NEWS)