Arestado ng mga tauhan ng PNP Anti-kidnapping Group ang apat na suspek sa pagdukot kay Denzhel Gomez na estudyante ng Colegio de San Juan de Letran.
Kinilala ang mga naaresto na sina Julius Atabay, Ferdinand dela Vega Jr., Ralph Emmanuel Camaya at Justine Mahipus na mga kasama sa fraternity ng biktima.
Ayon sa PNP-AKG, pauwi na si Gomez noong gabi ng ika-1 ng Agosto nang sumabay sa kaniya si Atabay at isa pang suspek. Habang naghihintay ng bus sa Maynila, dinukot ang tatlo ng anim na armadong lalaki at isinakay sa isang puting Innova na walang plaka.
Sa kalagitnaan ng byahe, ibinaba ng mga suspek si Atabay at siyang nagsumbong na naghihingi ng 30 milyong pisong ransom ang mga suspek.
Noong Biyernes, sinugod ng mga tauhan ng PNP-AKG ang pinagtataguan ng mga suspek sa Tondo, Manila at nailigtas si Gomez. Bukod sa apat na naaresto, anim na iba pa ang pinaghahanap ng mga otoridad.
Samantala, nailigtas din ng PNP-AKG si Bonifacia Arcita mula sa grupong dumukot sa kaniya na pinamumunuan ni PO1 Michael Omiping Siervo.
Narecover sa safehouse at sasakyan ng mga suspek ang matataas na kalibre ng baril, granada, bala, uniporme ng pulis at iba pa.
Ang mga suspek ay kinasuhan na ng serious illegal detention, kidnapping for ransom at illegal possession of firearms and explosives.
( Lea Ylagan / UNTV Correspondent )
Tags: Denzhel Gomez, dinukot, PNP-AKG