18th Congress, hinikayat ni Pres. Duterte na ipasa ang ilang panukalang batas kabilang na ang Bayanihan 2 at Death Penalty Revival

by Erika Endraca | July 28, 2020 (Tuesday) | 834

METRO MANILA – Ilang minuto bago mag-alas-4 kahapon (July 27) , dumating sa Batasan Complex si Pangulong Rodrigo Duterte para sa kaniyang Ika-5 State of the Nation Address (SONA) sakay ng presidential helicopter.

Wala nang tradisyonal na salubong ng house at senate leadership nang dumating sa kamara ang pangulo at deretso na sa plenary session.

Alas-4:05 ng hapon nang umpisahan nito ang kaniyang ulat sa bayan at umabot ng 1-oras at 40-minuto ang kaniyang SONA.

Hiniling ng Punong Ehekutibo sa mga mambabatas ng second regular session ng 18th Congress na gawing prayorirad ang ilang panukalang batas na isinusulong ng kaniyang administrasyon.

Kabilang na dito ang revival ng death penalty sa pamamagitan ng legal injection upang resolbahin ang suliranin ng bansa sa iligal na droga.

“I reiterate the swift passage of reviving the detah penalty by lethal injection for crimes specified under the comprehensive dangerous acts of 2002.” ani Pangulong Rodrigo Duterte.

Gayundin ang Bayanihan 2 na layong bigyang ayuda ang mga sektor na pinakaapektado ng pandemya at pagbili ng kinakailangang medical equipment.

“I hope that we can get some or the same treatment of clarity, purpose and the fastness to support the passage of the bayanihan [to recover as one act], which will supplement funds for recovery and response against the impact of the covid-19 pandemic.” ani Pangulong Rodrigo Duterte.

Bukod dito, hinakayat niya rin ang mga mambabatas na suportahan ang pagsusulong ng Corporate Recovery and Tax Incentives for Enterprises o Create Act, Financial Institutions Strategic Transfer o Fist Act, Department f Overseas Filipinos, National Land Use Act, Coconut Farmers and Industry Trust Fund, Advanced Nursing Education Act, at iba pa.

Matapos ang SONA ng Pangulo, agad na itong umalis sa batasang pambansa pabalik ng Malacañang.

(Rosalie Coz | UNTV News)

Tags: