Duterte nakipagpulong sa MILF noong nakaraang Sabado sa Cotabato City

by Radyo La Verdad | March 1, 2016 (Tuesday) | 2608

duterte
Nagtungo nitong Sabado sa Camp Darapanan, sa bayan ng Sultan Kudarat, probinsya ng Maguindanao, si Davao City Mayor Rodrigo Duterte upang makipagpulong sa pamunuan ng Moro Islamic Liberation Front O MILF.

Ayon sa alkalde, na isa ring kandidato sa pagka-pangulo, hindi pangangampanya ang kanyang layunin sa pagdalaw sa kampo ng MILF, kundi ang hingin ang tulong ng nasabing grupo upang tumulong na mapanatiling patas para sa lahat ng mga kumakandidato sa Mindanao ang isasagawang halalan sa darating na buwan ng Mayo.

Sa kanyang pagpunta sa Camp Darapanan, binigyang-diin din ni Duterte ang dahilan at pangangailangang mabigyan ng solusyon ang problema ng ilang sektor ng lipunan na hindi nakakamit ang hustisyang kanilang hinahanap.

Naging bahagi rin ng pulong ang Bangsamoro Basic Law, kung saan sinabi ni Mayor Duterte na sang-ayon sya sa configuration ng kasalukuyang BBL para sa mga MILF.

Ngunit hayagang niyang ipinakiusap na bigyan ng pansin ang iba pang mga tribong Muslim at grupo ng mga katutubo sa Mindanao.

Sa huli, nagpasalamat ang Mayor sa pagpapaunlak ng MILF sa kanyang pinangunahang pulong.

(Joeie Domingo/UNTV News)

Tags: , , ,