Panggugulo ng armadong grupo sa Lanao del Sur, walang kinalaman sa hindi pagkakapasa ng BBL – AFP

by Radyo La Verdad | February 29, 2016 (Monday) | 1914

MAUTE-GROUP
Higit isang linggo na ang operasyon ng militar laban sa Maute Group, isang terorista at armadong grupo sa Lanao del Sur na umatake sa isang detachment ng militar noong nakalipas na linggo.

Mariing itinanggi ng Armed Forces of the Philippines ang napaulat na may kinalaman sa hindi pagpasa ng Bangsamoro Basic Law o BBL ang panggugulo ng grupo sa probinsya lalo na’t malapit sa kampo ng Moro Islamic Liberation Front ang kuta ng Maute Group.

Ayon Naman Kay Presidential Adviser on the Peace Process Secretary Ging Deles, nagkaroon na ng repositioning ang MILF troops upang maiwasan ang misencounter sa pamamagitan ng ceasefire mechanisms.

Samantala, 24 naman ang kinumpirma ng militar na miyembro ng Maute Group na napaslang sa higit isang linggong bakbakan sa Butig, Lanao del Sur.

Ito ay base sa body count ng mga tropa sa grounds at mga natukoy na pangalan ng mga otoridad sa Butig.

Anim na sundalo naman ang nasawi at 12 ang sugatan dahil sa bakbakan.

Nakubkob na rin ng militar ang ilan sa mga kampo ng teroristang grupo partikular na ang sa Barangay Bayabao, at ilang kuta sa iba pang barangay na malapit sa munisipyo ng Butig, Lanao del Sur.

Noong Huwebes, narecover ng mga militar ang dalawang M-16 rifle, 2 rocket-propelled grenades at isang home-made caliber 50 rifle.

Samantalang kahapon narecover naman ang isang 81-millimiter mortar na gamit sa paggawa ng improvised explosive device, dalawang granada sa paggawa ng booby traps, radyo, mga usb at mga dokumento.

Ipinahayag naman ni Brigadier General Restituto Padilla Jr. na maliit na lang ang grupo ng Maute na hinahabol ng mga otoridad.

(Rosalie Coz/UNTV News)

Tags: , ,