Hinack ng grupong “Global Security Hackers” ang website ng University of Sto. Tomas Hospital.
Ito’y upang iprotesta ang hindi pagtanggap ng naturang ospital sa isang babaeng manganganak dahil sa kawalan ng pambayad ng kanyang asawa sa hinihinging deposito na nagkakahalagang P20,000.
Nananawagan din ang grupo ng mga hacker sa mga awtoridad na magsagawa ng imbestigasyon kaugnay sa naturang insidente.
Sa Facebook post ni Andrew Pelayo na agad nag viral sa social media, nakasaad dito na matapos silang hindi tanggapin sa UST Hospital ay nagtungo na sila sa Jose Reyes Memorial Medical Center sa Maynila.
Ngunit agad din aniya silang bumalik sa UST Hospital nang malaman nilang walang available na incubator sa Jose Reyes Memorial Medical Center.
Nang makabalik na sila sa UST, sinabi naman sila na magpunta sa East Avenue Medical Center sa Quezon City kung saan sumailalim na sa operasyon ang asawa ni Andrew ngunit hindi na naagapan pa ang kanilang sanggol.
Sa ngayon ay wala pa rin inilalabas na pahayag ang pamunuan ng UST Hospital sa akusasyon ng mga Pelayo.
(UNTV NEWS)
Tags: Global Security Hackers, University of Sto. Tomas Hospital