Pagkakasama sa listahan ng may pinakataas na bilang ng reklamo sa Ombudsman, malaking hamon para sa PNP

by Radyo La Verdad | February 23, 2016 (Tuesday) | 7690

PNP
Itinuturing na hamon ng Philippine National Police ang lumabas na ulat ng Office of the Ombudsman na pumapangalawa ang Philippine National Police sa may pinakamataas na bilang ng reklamo ng katiwalian.

Ayon kay PNP PIO Chief P/CSupt. Wilben Mayor, malaking tulong ito upang maayos pa ang performance ng mga pulis.

Paliwanag ni Mayor, araw-araw silang nakikisalamuha sa mga komunidad bilang bahagi ng kanilang trabaho kayat malaki ang posibilidad na sila ay maireklamo.

Subalit hindi naman aniya lahat ng reklamo laban sa mga pulis ay totoo.

Gayunman, tiniyak naman nito na hindi nila kinu-konsinte ang mga maling ginagawa ng mga pulis.

Sa katunayan, nagsasagawa sila ng sariling paglilinis sa kanilang hanay at maraming pulis din ang nakasuhan sa Internal Affairs Service.

Dagdag ng tagapagsalita ng PNP, may mga programa na sila upang disiplinahin ang mga pulis tulad ng police information program upang ipaalala ang mga rules and regulations ng pambansang pulisya.

Bilang chairman naman ng NAPOLCOM sinabi ni Sec. Mel Senen Sarmiento na maaari namang palakasin ang Peoples Law Enforcement Board o PLEB at IAS upang dito na lamang magsampa ng reklamo ang mga stakeholder.

Ang nakikita namang rason ni Sec. Sarmiento kung bakit nanguna ang mga local government unit sa may pinakamataas na reklamo ay ang intense political rivalry .

Base sa lumabas na report, consistent ang LGU at PNP sa listahan nang may pinakamataas na bilang ng reklamo simula pa noong 2011.

noong 2015 pumapangalawa ang PNP na may 1265 complaints o 23.67% habang nanguna naman ang LGU na may 2697 complaints o 50.34%

(Lea Ylagan/UNTV News)

Tags: ,