Pwersa at mga gamit militar para sa pagpapanatili ng seguridad sa 30th EDSA People Power Anniv., inihahanda na ng AFP

by Radyo La Verdad | February 23, 2016 (Tuesday) | 2409

AFP
Inihahanda na rin ngayon ng Armed Forces of the Philippines ang kanilang pwersa na makatutulong sa pagpapanatili ng seguridad sa selebrasyon ng ika-30 anibersaryo ng EDSA People Power Revolution sa darating na huwebes, February 25.

Plano ng AFP na mag-deploy ng mahgit sa isang daan at limampung tauhan sa mga lugar na magiging sentro ng pagdiriwang kabilang na ang bahagi ng EDSA People Power Shrine sa Ortigas at EDSA People Power Monument sa may kanto ng Whiteplains.

Kasama rin sa mga ipakakalat ng sandatahang lakas, ang grupo ng Explosive Ordinace Disposal o EOD Group, kung saan labing-isang k-9 team ang magiinspeksyon upang masiguro na walang anumang banta ng pagpapasabog sa mga nasabing lugar.

Ipoposisyon rin ng AFP ang ilan sa kanilang mga ambulansya, kasama ng mga medical team.

Maging ang AFP fire truck at iba pang uri ng transportasyon ng AFP ay naka-standby rin para sa anumang aksidente na maaring mangyari.

Samantala sa darating na February 25, araw ng huwebes ay bubuksan naman sa publiko ang open grounds ng Campo Aguinaldo kung saan itinatayo ngayon ang people power experiential museum.

Dalawang araw na bubuksan ang naturang museo na masisimula sa February 25 hanggang February 26, alas otso ng umaga hanggang alas onse ng gabi.

May paalala naman ang pamunuan ng AFP para sa lahat ng mga magtutungo sa experiential museum.

Bukod sa open grounds, mahigpit ring pinagbabawalan ang mga bibisita sa museo na maglibot sa iba pang bahagi ng kampo.

Paliwanag ng tagapagsalita ng AFP, layon pa rin nito na mapanatili ang seguridad sa paligid ng Campo Aguinaldo.

(Joan Nano/UNTV News)

Tags: