Door to door delivery ng DSWD pension sa mga senior citizen ipatutupad na sa buong bansa ngayon taon

by Radyo La Verdad | February 23, 2016 (Tuesday) | 2350

SENIOR-CITIZEN
Ipatutupad na ng Department of Social Welfare and Development sa buong bansa ngayong taon ang kanilang door to door na pagbibigay ng pension sa mga senior citizen.

Sa ilalim ng “door to door delivery” program ng DSWD personal nang inihahaid sa bahay ng mga indigent senior citizen ang kanilang pensyon.

Mas kombiniyente ito sa mga matatandang mahina na at hindi na halos makalakad at makatayo.

Ayon kay DWSD Protective Services Bureau Director Pacita Sarino, unang ipinatupad ang programang ito noong 2013 hanggang 2015 sa National Capital Region at Region 3.

Subalit dahil sa positibong reaksyon ng mga senior citizen, ipatutupad na ito sa buong bansa ngayon taon.

Sa ilalim ng ra 9994 o ang Expanded Senior Citizens Act of 2010 obligado ang gobyerno na bigyan ng 500-pisong pensiyon ang mga senior citizen may edad 60-anyos pataas.

Subalit kailangan ito ay walang kakayanang kumita, walang natatanggap na anumang pensiyon o tulong sa mga kamaganak at kung ito ay maysakit at may kapansanan.

Sinabi pa ni Dir. Sarino na sa nasabing programa mas nagiging mabilis ang pagbibigay ng pensiyon sa mga matatanda.

Mas madali rin nilang nalalaman ang kondisyon ng mga beneficiary dahil regular na silang nabibisita.

Sa ngayon nasa 1.3 million indigent senior citizen ang nasa ilalim ng programang ito ng DSWD at may pondong 8.7-billion pesos para sa kasalukuyang taon.

Sa mga nais maging beneficiary ng DSWD social pension maaari po kayong pumunta sa opisina ng DSWD sa inyong lungsod.

(Grace Casin/UNTV News)

Tags: ,