Dumulog sa Commission on Elections si dating Akbayan Partylist Representative at senatorial candidate Walden Bello upang hilingin sa komisyon na gumawa ng aksyon kaugnay sa nalalapit na laban ni Congressman at senatorial candidate Manny Pacquiao kay Timothy Bradley.
Sa kaniyang pitong pahinang petisyon, iginiit ni Bello na malalamangan ni Pacquiao ang ibang mga kandidato pagdating sa media exposure dahil sa kaniyang boxing bout na isa aniyang paglabag sa fair elections act.
Para kay Bello dapat ipagpaliban muna ni Pacquiao ang laban at isagawa na lamang ito pagkatapos ng halalan.
Nakasaad din sa petisyon ni Bello, na gaya ng tv anchor, comentator o radio broadcaster na kumakandidato dapat ding mag leave si Pacquiao sa kaniyang propesyon ng pagiging boksingero sa panahon ng campaign period dahil nakakakuha ito ng madalas na mass media projection.
Una nang sinabi ng COMELEC na gagawa sila ng aksyon kaugnay sa magaganap na laban ni Pacquiao kung may maghahain ng reklamo.
Wala pa namang tugon hinggil dito ang kampo ni Pacquiao.
(Victor Cosare/UNTV News)
Tags: boxing bout, dating Akbayan Partylist Representative Walden Bello, senatorial candidate Manny Pacquiao