177 Indonesians na naharang ng B.I. sa NAIA, mabablacklist na sa Pilipinas

by Radyo La Verdad | August 23, 2016 (Tuesday) | 1275

VICTOR_INDONESIAN
Kasalukuyan nang dinidinig ng Bureau of Immigration ang summary deportation laban sa 177 Indonesian nationals na nahuli nitong nakaraang linggo sa Ninoy Aquino International Airport na paalis ng Pilipinas patungong Saudi Arabia gamit ang Philippine passport.

Nakikipag-ugnayan na ang kawanihan sa Indonesian embassy upang makuha ang tunay na pakakakilanlan ng mga dayuhan at inaalam na rin ngayon kung may nakabinbing kaso ang mga ito sa Pilipinas.

Sinampahan na rin ng kasong kriminal ang dalawang pilipinong magsisilbing escort ng mga ito paalis ng bansa habang iniimbestigahan na rin ng National Bureau of Investigation kung paano nabigyan ng Philippine passport ang mga dayuhan.

Sa inisyal na imbestigasyon lumalabas na anim hanggang sampung libong dolyar ang ibinayad ng bawat Indonesian para sa passport.

Ginamit din ang natitirang slot na inilaan ng Saudi government para sa Philippine pilgrims.

Nauna nang sinabi ng Department of Foreign Affairs na iniimbestigahan na nila ang insidente.

(Victor Cosare / UNTV Correspondent)

Tags: ,