Pagpatay ng New Peoples Army sa 6 na pulis sa Baggao, Cagayan, kinondena ng PNP

by Radyo La Verdad | February 18, 2016 (Thursday) | 2785

AMBUSH
Mariing kinokondena ng pamunuan ng Philippine National Police ang pananambang ng New Peoples Army sa mga miyembro ng Regional Public Safety Battalion o RPSB sa Brgy. Sta. Margarita, Baggao Cagayan nitong Martes.

Anim na pulis ang namatay at 15 ang nasugatan sa insidente

Ayon kay PNP Pio Chief P/CSupt. Wilben Mayor, magsasagawa sana ng imbestigasyon ang mga tauhan ng RPSB sa ginawang panununog ng rebeldeng grupo sa mga heavy equipment ng isang kontraktor na tumanggi sa extortion activities ng grupo.

Sinabi pa ni Mayor na sa ngayon ay patuloy ang hot pursuit operations ng PNP at AFP laban sa mga rebelde at itinaas na rin sa full alert status ang pwersa ng PNP sa Cagayan.

Sasampahan na rin nila ng reklamo ang grupo ng NPA na responsable sa nasabing ambush.

Samantala tiniyak ng Malacañang na mabibigyan ng hustisya ang mga biktima sa naturang insidente.

Kasunod ng pakikiramay, tiniyak din ng pamunuan ng PNP na makatatanggap ng mga benepisyo ang mga namatay at maging ang mga nasugatang pulis.

Kinilala ang 6 na nasawi na sina PO1 Ryan Annang, PO1 Derrel Sunico, PO1 Arjay Bautista, PO1 Rogelio Alfonso, PO1 Julius Soriano at PO1 Jaypy Aspiros.

Nabawi ng mga pulis sa naturang insudente ang eksklusibong baril ng Special Action Force na nakuha ng mga rebelde.

(Lea Ylagan/UNTV News)

Tags: , , ,