Oral arguments sa disqualification case ni Sen.Grace Poe, itutuloy ng Korte Suprema ngayong hapon

by Radyo La Verdad | February 16, 2016 (Tuesday) | 1555

supreme court
Itutuloy ng Korte Suprema ngayong hapon ang pagdinig sa oral arguments kaugnay ng mga petisyon ni Senador Grace Poe laban sa pagkansela ng Commission on Elections sa kanyang kandidatura.

Alas dos mamaya magsisimula ang naturang pagdinig at may ilang katanungan na lamang ang mga mahistrado kay Commissioner Arthur Lim na siyang kumakatawan sa COMELEC.

Pagkatapos nito ay maglalahad na ng kanilang argumento ang mga private respondents at solicitor general.

Una nang ipinahayag ng mga private respondents na kumuwestyon sa kandidatura ni Senador Poe sa pagkapangulo na makatwiran lamang ang ginawang pagkansela ng COMELEC sa certificate of candidacy ng senadora.

Isa naman sa mga inaabangan sa oral arguments ang posisyon ng solicitor general sa isyu ng citizenship at residency ni Senador Poe.

Ito’y matapos katigan ni Solicitor General Florin Hilbay ang desisyon ng Senate electoral tribunal na isang natural born citizen si Poe.

Sa ngayon, nananatiling tikom ang bibig ni Solgen Hilbay tungkol sa naturang mga isyu matapos obligahin ng Korte Suprema ang opisina ng solicitor general na sumali sa pagtalakay sa petisyon ni Poe.

(Roderic Mendoza / UNTV Correspondent)

Tags: , ,