Dalawang linggong cloudseeding operations, sisimulan ng PAGASA DOST at Philippine Airforce ngayong araw sa Zamboanga City

by Radyo La Verdad | February 16, 2016 (Tuesday) | 8511

DANTE_CLOUD-SEEDING
Dumating na dito sa Zamboanga City kahapon ang ilang kawani ng Philippine Atmospheric Geophysical and Astronomical Services Administration o PAGASA mula sa Metro Manila upang pangunahan ang dalawang linggong cloud seeding operation sa syudad na magsisimula ngayong araw.

Katuwang ng pagasa sa operasyon ang Philippine Airforce.

Ayon sa PAGASA may nakikita silang seedable clouds sa lugar na mahalaga sa cloudseeding operations.

Sa seedable clouds ilalagay ang mga asin para magkaroon ng ulan.

Tinatayang aabot ng apat na milyong piso ang gagastusin para rito.

Dalawang CC210 aircraft naman ng airforce ang gagamitin na kayang magsakay ng isandaang kilong asin para cloudseeding.

Pangunahing target nito na magkaroon ng ulan sa mga watershed sa lungsod na pinagkukunan ng suplay ng tubig sa siyudad.

Samantala, sa ulat ng City Agriculturist Office nasa 17.4 million pesos na ang kabuoang pinsala sa mga pananim epekto ng tagtuyot sa lugar.

Apektado nito ang 860 hectares na agricultural land at gayun din ang mahigit siyam na raang magsasaka.

Umaasa ang lokal na pamahalaan maging matagumpay ang gagawing hakbang.

(Dante Amento / UNTV Correspondent)

Tags: , , , ,